Bagong Sibol — Day By Day Summer Arts Workshop Recital
Nagtanghal noong June 1 sa Bulwagan ng Panginoon ang halos 100 workshoppers sa isang recital bilang pagtatapos sa Day By Day Summer Arts Workshop. Mahigit isang buwang sumailalim sa masusing pag-aaral at pagsasanay ang mga mag-aaral na binubuo karamihan ng kabataan. Pinamagatang “Bagong Sibol”, ipinamalas sa nasabing recital ang mga natutunan nilang tugtugin, sayaw at dula na ibinahagi sa kanila ng KALOOB, Hudyat, at Dulaang Ka. Ipinakita rin ang mga larawang iginuhit ng mga bagong sibol na artists na tinuruan naman ng Sining Biswal.
Makaraan ang isang linggo, ang mga bagong sibol na musicians naman ang nagpakita ng kanilang galing sa pagtugtog ng violin, piano at flute. Mahigit isang buwan rin silang sinanay ng mga teachers na hatid ng Music Ministry.
Abangan ang mga Bagong Sibol na alagad ng sining sa mga susunod na pagtatanghal dito sa Bulwagan ng Panginoon!
FEBC Anniversary
Ipinagdiwang ang ika-60 anibersaryo ng Far Eastern Broadcasting Corporation noong Hunyo 7 sa FEBC Complex sa Valenzuela. Ang FEBC, na nagsasahimpapawid ng mga Christian programs kabilang ang Day By Day message ni Pastor Ed Lapiz, ang isa sa pinakamalaking broadcast network sa bansa. Idinaos ang pagdiriwang sa isang maghapong pista na dinaluhan ng iba’t ibang mga panauhing naging kaisa ng FEBC sa loob ng anim na dekada. Punung-puno ng awitan, sayawan at mga palaro, at iba’t ibang mga artist groups ang nagbigay kulay sa kasiyahan, na nagtapos sa isang praise and worship celebration sa pangunguna ng Day By Day Worship Team at KALOOB.